Hindi niya kayang ipaliwanag ang sayang nararamdaman. Daig pa niya ang naka-jackpot sa lotto, ang itanghal na Miss Universe. Wala nang mas susuwerte pa sa kanya na nasa bisig siya ng lalaking pinakamamahal.
Namatay ang pinakamamahal na nobyo ni Joan—si Henry—nang bumagsak ang eroplanong sinasakyan ng lalaki. Hindi niya kayang tanggapin ang biglang pagkawala nito kaya nagsimula siyang magalit sa mundo. She became aloof. Sa sobrang lungkot, ni ayaw niyang makakita ng mga taong masaya.
Pero dumating si Rocky sa buhay ni Joan at hindi siya sinukuan. Kahit masungit siya ay laging nandiyan ang binata—nangungulit, nakikipagkuwentuhan, at dinadalhan siya ng paboritong pagkain, ang inutak, para lang mapangiti siya. Dahil sa ipinakitang concern ay nagbago ang pananaw niya sa buhay—nagkaroon uli siya ng kaibigan at unti-unting bumalik sa dating sigla. Sa tulong ni Rocky ay nagawa na niyang tanggapin ang sinapit ng namayapang nobyo, at inamin sa sarili na natutunan na niyang mahalin ang binata.
Pero biglang dumating ang kanyang ina na nag-abandona sa kanya noong bata pa siya. Hindi niya inasahan na malaki pala ang kaugnayan ni Rocky sa kanyang ina. Paano haharapin ni Joan ang panibagong sugat sa puso kung ang magdudulot pala niyon ay ang mismong lalaking nagturo sa kanya na muling magmahal?