Dahil sa trahedyang nangyari sa kanyang pamilya ay pinili ni Lizzeth na lisanin ang kanyang bayan, binago ang pangalan, at nagbagong-buhay sa Maynila. Sa loob ng dalawampung taon ay nagawa niyang ayusin ang sarili at naging isang magaling na guro. Ngunit nasubok ang pasensiya ni Lizzeth nang maging estudyante niya ang spoiled brat na si Chelsea. Nang disiplinahin niya ang bata ay nagsumbong ito sa tiyuhin na agad na nagpunta sa kanilang eskuwelahan.
Noon nakilala ni Lizzeth si Jeric, ang ubod ng guwapo at umaapaw sa sex appeal na tiyuhin ni Chelsea. Ngunit kagaya ng pasaway niyang estudyante ay sinubok din ng binata ang kanyang pasensiya—pasensiyang pigilan ang sarili na mahulog ang loob dito. Pero hindi rin naman siya nagtagumpay.
Nang ibibigay na ni Lizzeth ang sarili kay Jeric ay noon niya natuklasan na ang binata pala ay ang dati niyang kababatang si Echo. Si Echo na first love ang kakambal niyang si Lizzy. Iyon nga lang, hindi alam ng binata na siya at ang batang kinasusuklaman at sinisisi sa pagkamatay ni Lizzy ay iisa.