“Hindi kaya may gusto ka sa akin at kaya ka nagsusungit ay para pagtakpan `yon?”
Ni sa hinagap ay hindi na-imagine ni Rhia na papasok siya sa isang kasunduan: ang kasal na may taning. Paano naman, unang kita pa lang niya kay Henry ay nakalimutan na niyang brokenhearted siya. At kung dati ay hindi naniniwala si Rhia sa “love at first sight,” bigla siyang naging believer.
Ayon kay Henry, sa papel lang sila magiging mag-asawa; pareho pa silang makikinabang sa kasunduan. Ang kasal ang susi para maging CEO si Henry sa kompanya ng pamilya at si Rhia naman ay tutulungan ng binata na ayusin ang nasirang relasyon ng kapatid niya at ng kanyang best friend.
Ganoon na lang ang tuwa ni Rhia nang sa wakas ay nakuha nila ang pakinabang ng kasunduan. Naging maayos ang lahat. Ang hindi ngayon maayos ay ang lagay ng kanyang puso.
Mabait si Henry, sweet at thoughtful, pero mahal ba siya ng lalaki? Hindi niya alam. Ayaw naman niyang mag-assume, baka mapahiya lang siya. Kaya isang gabi, nangahas si Rhia na tawirin ang gahiblang pagitan nila, at binale-wala ang mga kondisyon na nakapaloob sa kasunduan…