“Kapag kaharap kita, ramdam na ramdam ko ang buong zoo na nagpa-party sa loob ng tiyan ko. Kung hindi pag-ibig ang tawag doon, ewan ko na lang.”
Matindi ang pagpapantasya ni Allie kay Kael. Kulang na lang ay sambahin niya pati ang dinadaanan nito. Pero dahil sa hiya ay hindi niya magawang lapitan man lang ito. Nang minsang nakita niyang nakatingin ang lalaki sa kanya nang mahulog siya mula sa hagdan ay bumangon ang pag-asa niyang maisasakatuparan na ang Allie-Kael love team. Pero tumakbo si Kael palayo.
Magtatago na sana si Allie sa pinakasulok na parte ng mundo nang tumambad sa harap niya ang malaanghel na mukha ng isang lalaki—Si Ferdinand Gabriel Lopez. Magkalahi yata ito at ang kapangalang si Ferdinand Magellan dahil sinakop nito ang puso niya nang hindi niya namamalayan.
Feel na feel na sana ni Allie na si Ferdinand Gabriel na ang gawing bagong Prince Charming nang malaman niya ang totoong pakay ng pakikipaglapit nito sa kanya. Parang ibig niyang ipa-salvage si Ferdinand.
Ipapatay na lang kaya niya ang lalaki kay Lapu-lapu?