Malapit nang isuko ni Tiffany Co ang mahigit isang dekadang pagsinta niya kay Luis—ang henyo ng Batch 2000 ng Santa Ignacia Academy. Laging palpak ang pagpapa-cute niya rito at asar na asar naman ito sa kanya. Handa na siyang itaas ang puting bandera nang pigilan siya ng Mommy Henny nito na mas makulit pa kaysa sa kanya.
Botong-boto ang nanay nito na maging manugang siya. Bakit? Dahil binibigyan niya ito ng libreng gasolina! Tinuruan siya ni Tita Henny kung paano paiibigin si Luis—busugin daw niya ito tuwing breakfast. Pero bago pa niya ma-perfect ang pancake at sunny side-up egg, may kakompetensiya na siya sa puso ni Luis, si Renee—isang babaeng mukhang lumabas mula sa mundo ng fairy tales at nagpakadalubhasa nang limang taon sa pagluluto. Kahit talong ay nagagawa nitong gourmet.
Nang marinig niya ang inihanda nitong breakfast para kay Luis—savory buckwheat crepes with ham and mornay sauce— gusto na niyang maluha. At hindi iyon dahil sa sibuyas kundi sa napipintong pagkabigo niya kay Luis.